Mar 25, 2017

LAKAD ni Cogal Cristopher

Samahan mo akong maglakad, 'wag kang mag-alala Hindi tayo maliligaw Humawak ka sa aking kamay Tayo ay maglalakbay Hanggang ang mga paa ay mangalay. Samahan mo akong maglakad, 'wag kang mag-alala Kung saanman tayo mapadpad Kung saanman tayo dalhin ng tsinelas na pudpod Ng binting hindi napapagod. Samahan mo akong maglakad, 'wag kang mag-alala Kung sakaling dumilim na ang paligid Dahil gagabayan tayo ng liwanag, Liwanag ng ating pag-ibig. Samahan mo akong maglakad, 'wag kang mag-alala Hindi kita pababayaan At lalong hindi kita iiwang mag-isa sa daan. Sabay tayong humakbang Dahan-dahan, paisa-isa Unti-unti tayong lumalayo sa linya kung saan tayo nag-umpisa Dahan-dahan, paisa-isa Unti-unti naman tayong nagiging malapit sa isa't isa. Dahan-dahan, Paisa-isa Ganiyan lang 'wag tayong magmamadali Upang hindi tayo magkamali At kung sakaliman Na matinik Mababaw lang ang sugat Hindi mahapdi at 'di rin gaanong masakit. Kung ikaw ay mapagod pwede tayong magpahinga Basta hindi pwedeng lumiko sa kanan At lalong hindi pwedeng kumaliwa. At sa tagal ng ating paglalakad Malayo ang ating narating Marami rin ang ating pinagdaan Kaya kung nagsasawa ka na Pwede naman tayong huminto sandali Lumingon sa likod at pagmasdan ang mga ala-ala. Kung nakalimutan mo na ang 'ngiti' Pwede nating balikan kung sakali At isuot muli sa labi.

No comments:

Post a Comment