Mar 16, 2017

Para sa Kanyang Mahal ni Merill C.Tuquero

Halika,doon tayo sa may upuan malapit sa kahera. Doon tayo kung saan huli kaming nagkita. Halika,doon tayo sa may bandang dulo Doon natin pagusapan ang mga katanungan sa isip ko. Tara usap tayo, Pagusapan natin ang taong nagmamay-ari sa puso mo. Tara usap tayo, Pagusapan natin ang taong minsan na ring nagpabago ng mundo ko. Huwag kang mag-alala,uupo at maguusap lang naman tayo. Sasabihin mo sa akin kung paano ka niya binuo At sasabihin ko sabihin ko sayo kung paano niya winasak ang aking mundo Isalaysay mo sa akin kung paano niya hinawakan At isasalaysay ko sayo kung paano niya binitiwan Sabihin mo sa akin kung paano ka niya binusog sa kasiyahan At sasabihin ko sayo kung paano niya ko sinadlak sa kalungkutan Isasalaysay mo sa akin kung paano ka niya pinupuno ng halakhak at mga bungisngis At isasalaysay ko sayo kung paano niya ko pinuno ng luha't pagtangis. Sabihin mo sa akin kung paano ka niya binigyan ng mga rosas At sasabihin ko sayo kung paano niya ko pinugpog ng mga tinik Isalaysay mo sa akin kung paano niyo hinaharap ang bukas At isasalaysay ko sayo kung paano niya ko iniwang nakalambitin sa banging matarik. Sabihin mo sa akin kung paano ka niya binigyan ng kulay At sasabihin ko sayo kung paanong araw-araw niya akong pinapatay Isalaysay mo sa akin kung paano ka niya pinagbuksan At isasalaysay ko sayo kung paano sa kanyang puso ako'y tuluyang pinagsarhan . Sabihin mo sa akin kung paano ka niya pinaibig sa kanyang mga gawa At sasabihin ko sayo kung paano niya ko nabihag sa mabulaklak niyang mga salita Isalaysay mo sa akin kung paano ka niya inalagaan At isasalaysay ko sayo kung paano niya ako pinabayaan. Sabihin mo sa akin kung paano ka niya pinaglaban At sasabihin ko sayo kung paano niya ko sinukuan. Isalaysay mo sa akin kung paano ka niya hinanap At isasalaysay ko sayo kung paano siya nawala sa akin ng ganun kaagap Sabihin mo sa akin kung paano ka niya inaalala At sasabihin ko sayo kung paano niyo kinalimutan Isalaysay mo sa akin kung paano ka niya pinagbigyan At isasalaysay ko sayo kung paano niya ko pinagsawalang-bahala. Sabihin mo sa akin ko kung paano ka niya sinuyo At sasabihin ko sayo kung paanong niya ako pinagtulakan palayo. Isalaysay mo sa akin kung paano ka niya niligawan At isasalaysay ko kung paano niya ako pinagtabuyan Sabihin mo sa akin kung paano ka niya inaalala At sasabihin ko sayo kung paano sa pagdurusa ako'y kanyang ginapos. Isalaysay mo sa akin kung paano kayo nagsimula At isasalaysay ko sayo kung paano kami nagtapos. Tara usap tayo, Sa may lugar kung saan kami nagkatagpo Sa may lugar kung saan kami nagpasya magpakalayo-layo Sa may lugar kung saan sabay namin binuo ang aming mga pangarap Na ikaw na ngayon ang kanyang kayakap Sa may lugar kung saan natapos ang aming pag-uusap. Tara usap tayo. Nang matapos nang lahat ng ito At akin nang mapagtanto Na iba na ang namamay-ari ng kanyang puso. Nang malaman ko kung ano bang aking pagkakamali At hindi ako ang kanyang pinili. Tara usap tayo, Sasabihin ko sayo ang aming wakas Kung paano niyo hawak kamay na hinaharap ang bawat bukas At sagutin mo ko ng inyong panimula. Kung paanong ang masasayaang sandali'y naging isa na lamang alaala. Isasalaysay ko sayo ang nakaraan At isalaysay mo sa akin ang kasalukuyan. Tara usap tayo.

No comments:

Post a Comment