Mar 25, 2017

SA DULO ni Eli Lumilay

Uumpisahan ko sa dulo Sa kung saan matatapos ang tunog at mga ritmo. na kung iyong papakinggan walang piraso ng ikaw na mababawasan Alam kong alam mo na ako lagi at ako lang ang nawalan. nawalan dahil binigay ko ang puso ko sayo umasa na balang araw , papalitan ng pagmamahal na nag-uumapaw Ako yung Nawalan sapagkat hinanap ko ang sarili ko ngunit hindi na muli pang natagpuan. Ako yung nawalan sapagkat ibinigay ko ang lahat ng para sa sarili . Hindi ako nagtira. ngunit di ako nangamba. Hindi ako nagtira pero bakit meron pa ring tumitira dito sa puso kong pagod nang magbigay. Na sa bawat pagbibigay ay may naiiwan at namamahay na maliit na puwang. Na sa bawat bigay ay unti-unting nauubos at nalulubos ang pagmamahal. Na kahit na wala na ay pinipilit pa. Na kahit malinaw na mali na , ginigiit pa. Ganito ba talaga kapag nagmamahal? Lagi bang dapat ako yung nagbibigay nang sa huli ay walang bumigay? na sa bawat sambit ng salitang "mahal kita" ay may nagkukubling mga hilaw na ala-ala. na sa bawat pilit ay may mga damdaming nagigipit. na sa bawat pilit ay may mga luhang nagiging mapait. Mahal, minahal mo ba talaga ako? o minahal mo lang ang katotohanan na lagi akong nandito sa tabi mo. Mahal ,minahal mo ba talaga ako? o minahal mo lang ako sapagkat wala siya dito sa tabi mo? Siya na mas nauna mong minahal kaysa sakin. Siya na pinagbigyan mo ng iyong puso at ng buong damdamin. Siya na sumimot ng kung anong meron ka kaya wala ka nang naibibigay para sa'kin. Sa atin. Sa tayo Sa kung anong meron tayo na wala kayo. Na mas pinili mo siya kaysa sa taong naguubos ng boses at lakas para lamang ipaalam sa buong mundo kung gaano ka kamahal. Pero mahal hindi ko sinisisi ang mundo at ang kalawakan maging ang kalangitan Hindi ko sinisisi bagkus ay sisirin na lang ang karagatan. Hahanapin ko ang mga dahilan at mga paraan upang ikaw at ako ay makapaglayag. Maglalayag tayo sa pagitan ng oras at kawalan. Gusto ko na ikaw lang at ako yung tipong wala tayong pakialam sa kalawakan na ating ginagalawan. Yung tipong ikaw lang at ako. Yung tayo at hindi yung kayo na humihiwa sa aking pagkatao. Sige mahal,nagpasya ako na sa muling paggalaw ng oras , maaari mo na akong saktan. Ubusin mo yung laman ng dati kong sarili na matagal ng ubos. Lubusin mo yung lalim ng sugat na hinihiwa ng mga pangako mong binitiwan. Tapusin mo ko ng mga salita , mga salitang tatagos sa puwang ng puso na naiwan mong bakante na babalik ng paulit-ulit sa aking gunita. Papayag akong gawin mo lahat. Ibagsak mo lahat ng kahit anong pabigat Lahat yan ay sasaluhin at tatanggapin ko. Sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng pagkawasak ay muling mabubuo ako. Sapagkat umaasa ako na maibabalik mo lahat ng ibinigay ko sayo kahit sa paraang 'di ko gusto. Umaasa ako na muli akong makukumpleto kapag pinuna mo lahat ng pagkukulang ko. Mahal, ang tulang ito ay magtatapos sa umpisa. Sa umpisa kung saan ako ay buo at ang ritmo at ang tunog ay maglalakbay pa lamang. Ngunit bago pa sila makapaglakbay patungo sa'yo at sa puso mo ay pipigilan ko na sila. Hindi ko na hahayaan pang mawalan ako ng parte ng dahil sa kapabayaan. Hindi ko na papanakaw ang ritmo at tunog na siyang tanging naglalagay ng pader sa pagitan. Sa pagitan ng ako at ng ikaw Sa pagitan ng oras at ng kawalan. at Sa pagitan ng tayo at ng kayo. Ang dulo ng tulang ito ay ang simula ng aking pagkabuo. dahil alam ko na kaya kong mabuo ng mag-isa Alam mo na alam kong kaya kong mabuo ng mag-isa kahit na wala ka. kaya kong maglakbay kasama ang ritmo ang mga tunog kahit hindi ka na nakaukit dito sa aking mapa. Hindi na kita muli pang hahanapin sapagkat nahanap mo na ang sarili mo sa kaniya. Sa mundo niya.

1 comment: